Showing posts with label personal. Show all posts
Showing posts with label personal. Show all posts

~ Ano na?! 6 months ka na.

|

"Ano na nangyari sa'yo? How's 6 months so far?" tanong sa akin ng kaibigan ko sa telepono habang ako naman ay nag gugupit ng kuko. (kailangan i-describe ang ginagawa para more more ang pagka makatotohanan ng kwento.)

Bigla kong naalala, buti pa siya naalala niyang 6 months na ako dito sa Jeddah. Ako, tinigil ko na ang pag bilang ng araw, mas lalong tumatagal ang araw pag sinasamahan mo ng bilang.

"Okay naman... nasanay na din ako na walang pork at walang beer, walang sine, buti na lang may Starbucks, fridays, Chilis, Burger King, Dunkin donuts, Krispy Kreme at Jollibee, at least nararamdaman kong nasa mundo pa din ako. Actually, mas gusto ko na dito. Kulang lang talaga friends."

"Paanong walang friends?"

"Di gets? Gusto mo sign language ko? O Braille para challenging? Walang kakilala, walang ka kwentuhan. Walang kasama mag mahjong...Hahaha!"

"Mag-ingat ka diyan ha, balita ko bawal bading diyan?"

"Chusko, e kasing dami ng langgam sa garapon ng asukal ang bilang ng bading dito. Pina deport nga lang ang mga nagbibistida. Hehehe!"

"Kamusta sex life?"

"Ay biglang ganyan ang shift ng question? Para mo na ding tinanong sa akin, kung umulan na ba dito sa Saudi. Pag-uwi ko nga sa Pilipinas, mag-nenegosyo na lang ako ng ALSA Gulaman, nata de Coco at Pearl Shakes!'

"E ang love life, kamusta?"

"Alam kong pupunta din tayo sa tanungan na 'to. Okay naman, medyo mahirap sa umpisa, pero salamat sa twitter, sa skype at sa facebook....nakakatipid ako pang IDD. Salamat sa kanya, mabait at matiisin. Gusto ko na nga siya ipalit sa rebulto ni Rizal sa Luneta"

"Gusto ko nga diyan mag-work kaso baka ma-rape ako."

"Kung maka pag dahilan ka naman, as if ka pa na di mo din hilig yang 'habulang gahasa.' Dito, wala na medyong gahasaan, siguro sa mga province, pero dito kasi sa city, wala masyado. Marami lang mga batang, nagtatapon ng papel na may mobile number."

"Ay may ganyan?"

"Na sense ko sa 'rising and falling of intonation' mo ang galak, tuwa, at kasiyahan!"

"Gaga, nagulat lang ako!"

"Aminin na excite ka! Punta ka kasi dito nang may kasama akong gumala. Mahirap gumala pag walang kasama, baka hatakin na lang ako bigla sa daan."

"Ay may ganyan?"

"Pwede ka naman tumanggi... pero pag inabutan ka na ng Blackberry, dun ka na mag dalawang-isip."

"Wahahaha... ang saya diyan."

"Sabi ko sa'yo e. O siya, tama na 'to. mahal na 'to"

"Kuripot ka talaga"

"Mana lang sa'yo Bye!"

Pagkababa ng telepono, kinuha ko ang isang folder na puno ng papel. Mga sulat ko sa araw-araw, kung paano ko pinalilipas ang araw ko. Kasi darating ang araw, babalikan ko 'tong experience na 'to at sasabihin ko sa sarili ko "TOTOO PALA ANG HOMESICK."

(Insert Flor Contemplacion Movie theme song here)


~ Letter to Migs

|

This letter was sent to Migs of Manila Gay Guy last September 4, 2009. Nakita ko ulit sa e-mail ko and i realized hindi ko na publish to dito sa blog ko. medyo mahaba kaya kay Migs ko na lang pinadala at hindi kay Charo Santos, baka magwala na lang bigla. (Pag pacensiyahan na ang grammar slips, hindi ako English Major. Excuses)


Hi Migs,

First, I would like to greet your MGG Blog a Happy 3rd Anniversary. Your blog makes my monotonous work day exciting. I used to work in a call center in Makati when I discovered your blog, from then on I was addicted and always excited to check it everyday. Hanggang ngayon pwede ko nang sabihing parte na siya ng daily routine ko. :p

I was born and raised in Bacolod City, after graduation I went here to review for the Board Exams (ECE Board), needless to say, hindi pa kasing open ng Manila ang Bacolod as far as same sex relationship is concern kaya nakakagulat when I first got here. Bata pa lang ako, since my mom is a teacher, I was raised to be masunurin at masipag mag-aral, in short NERD. I was a consistent honor student then, pero LONER, I never experienced the typical Barkada nung high school. Everytime may gusto ako, since I don't have anyone to share it with, I'm making a note addressed to GOD and keep it in a box, wala pa kasing cellphone nun. It was always been my prayer to have someone I can call my own, not necessarily a lover... Bestfriend ok na. Together with that prayer, I completed the simbang gabi... novena mass at kung anu-ano pa. I am not religious but I always have my time for prayer. Siguro nasanay na din na siya lagi kausap ko dahil nga hindi ako mahilig makipag friends before. (Hindi na ngayon..lol) Alam ko ever since that there's something different about me compared to my male classmates. Until college, hindi ko alam kung ano talaga ako, I tried to do things straight people do, name it I've done it... siguro ma convince ang ibang tao na straight ako, kasabay nun ang pag convince din sa sarili ko na hindi ako ganun. Pero I was 3rd year college then when I met Francis, Freshman. He was maputi, long hair, chinito, matangkad, gwapo. (This is it!)

I began to noticed him nung ang mga girl classmates ko kinikilig pag dumadaan siya sa classroom. Fate as you may call it, since member ako ng Student Government, I was asked to spearhead all the Engineering freshmen for an activity for the Sportsfest, and yes kasama siya dun. Everytime may practice sila I was there to arrange for the transportation and the food. Ako din ang taga check ng attendance nila aat dahil diyan I have to publish my number for any notification kung hindi makakapunta sa practice. Nagtagal ang practice ng mga 1buwan, dahil na rin sa schedule ko ay hindi ako laging nakakapunta sa mga practices nila.

One night, nag text siya na hindi na daw kasing saya ang practice kasi wala ako. Migs, prior to that incident, hindi kami nag-uusap, we we're not even introduced to each other,at wala din kaming common friends. Simula nun, we've been texting na, though more on about sa practices at sa school related activities. Nothing personal.

Last practice nila bago ang performance the next day, around 10p na kami umuwi, habang naka-upo ako sa pedicab naghihintay ng ibang pasahero going inside our subdivision, out of nowhere naisip kong magtxt sa cellphone ko, sabi ko "God, kung siya man ang binigay mo sa akin give me a sign, gusto ko tumawag siya pag dating ko sa bahay." tinago ko lang sa Draft ng cellphone. Suntok sa buwan ang text na yun, hindi nga kami nag uusap ng personal, at hindi ako sigurado kung ano siya... pati sarili ko hindi din ako sigurado kung ano.

Papasok ako ng bahay, tumunog yung phone, uso pa drop call nun, nagtanong kung naka-uwi na ako. After ilang tanong at sagot, humirit siya ng "Pwede mag apply?" At first, I thought application for the org, so I replied hindi pa pwede kasi 1st year pa lang siya... sabi niya mag a-apply daw siyang bestfriend ko. Sabi ko okey, pero na weirduhan ako sa sitwasyon, at that time nalimutan ko ang sign na hiningi ko.

The next day sabay kami na nuod ng game, nag lunch, umuwi ng sabay. Naging ganun ang set-up namin for several months, minsan sinasamahan ko siya sa ibang school para manligaw sa classmate niya nung high school. Naging okey ang takbo ng sitwasyon namin, naging automatic na sa mga professor ko na pag nawawala ako, sa kanya ako hinahanap. Until one day, tinanong niya ko kung pwede daw more than friends na kami, nalaman kong tumigil na siya sa panliligaw sa girl sa kabilang school.

Pumayag ako, pero hindi ko alam kung tama nga yung ginawa ko. Dumaan ang ilang araw na masaya kaming pareho, we agreed not to have sex yet, because we need to prove kung LUST ba o LOVE ang nararamdaman namin, we agreed to go to church every Wednesday after school for novena, simba every Sunday at every lunch break sa school... Sabi namin pambawi kay Lord.. Lahat ng ginagawa namin naka plano, wala kaming sinabihang friends for fear na we're both known sa school at baka ma kick-out kami. We prioritized our studies for fear na if ever malaman ng family namin na kami na, hindi pwedeng gawing dahilan na pinabayaan namin ang school namin. Para walang maisumbat. From then on, naging confident ako sa sitwasyon namin, I introduced him sa family as a "friend" and gusto naman siya ng family ko. Ganun din ako sa family niya.

This coming August 12, we will be celebrating our 80th month as a couple. At some point your blog has been and is still an inspiration for the both of us.. nahawa na din siya kakabasa ng blog mo dahil sa akin. Through your blog, from the stories shared by other readers and your advice that comes after, we realized that what we have right now is something that not most PLU have and that we have to take care and appreciate it. Dahil nga never namin na experience magka ex-boyfriend, kung paano makipag eye ball o makipag date sa ibang tao... through your blog we get to learn something, na hindi na dapat umabot sa kailangan naming maranasan yun para ma realize ang importance ng isa't isa.

Gusto ko lang magpasalamat sa'yo at sa iyong blog. Hindi ko man kayang i-express siya sa paraang karapat-dapat, gusto kong malaman mo na parte ng buhay namin ang blog mo... and we all know that any relationship will never be better without the help of friends, family and the things that inspire and teach you... at isa ka dun.

Thank you.

Siopao&Bunwich

~ goodbye for now

|

Malamang habang binabasa niyo 'to nasa eroplano na ako nagtitinda ng yelo... ay hindi pala,nasa eroplano na ako papuntang Jeddah, sa hinaba-haba ng paghihintay ko, eto't tuloy na din sa wakas.

Ba't ba kasi ako na delay? Well, kagagawan ko din naman. Hingi ako ng hingi ng extension kay Lord na huwag muna ako paalisin. Ayan, pinagbigyan. Andaming dapat pagpa-alamanan. Gusto ko ding mag spend ng holy week sa Bacolod, given hindi uso ang holy week sa Jeddah. Nararapat lang na i-spend ko to kasama ang family ko.

Hindi din naman ako makakapayag na pupunta ako ng ibang bansa na hindi ko nakikita ang family ko. Kailangan ng emotional recharge, maka-hingi man lang ng huling payo sa magulang. Okay na sa akin yun.

Ano naman mangyayari kay siopao? Uhmm... mawawalan siya ng sauce this time. Hehehe! Well, matagal ng ready si siopao sa pag-alis ko, pero hindi kanina. Muntik ng dumating ang Maynilad para i-check kung may sira ba ang gripo namin dahil bumaha... luha lang pala galing sa kwarto namin.

I know pag babasahin niya to, tataas ang kilay nito. Hindi naman ganun ka drama ang naging eksena. Naluha lang ng mga 3 1/2 drops tapos nag simula na siyang mag impake ng gamit ko. Oo, siya ang nag empake, hinayaan ko na, siguro gusto mag MMK moment, yung nagtutupi ng damit habang umiiyak? Hehehe!

Gusto kong kunin ang pagkakataong ito, kahit hindi niyo ito ibibigay, na magpasalamat sa lahat ng nag "Wish me Luck" sa akin. Cliche man maituturing, pero para sa isang taong aalis, malaking bagay ito. Lalo na't pupunta siya sa lugar na maraming bawal. Hehehe!

Hanggang sa muli kong pag update ng blog. Naway may internet ang aking titirhan dun at para ma-update ko kayo sa bagong yugto ng buhay namin ni siopao.

Kung dati ang blog na 'to ang nagpatunay na may M2M relationship na tumatagal. This time, gusto naman naming patunayan na may 'Long Distance Relationship' M2M edition na nagtatagal din. (Parang MELASON lang! may chapter?!)

Nais ko sanang hingin ang inyong panalangin sa bagong hamon ng buhay naming dalawa. Diyos na ang bahala sa inyong mabubuting puso.

Naway ang mga single ay magka boyfriend na. Ang mga malilibog ay maging negative sa HIV test. At ang mga manloloko ay lapain ng aso now na!

Hanggang sa susunod.

Nagmamahal,
Charo

(Pati ba naman dito, e-eksena ka? Charo?)

~ folded and hung (and all that jazz!)

|

Aminin niyo, hindi na masama ang mga itsura ng mga lalaki na nagtatrabaho sa F&H. Ayon nga sa kasabihan:

"Huwag kang choosy, pag hindi ka naman yummy!"

Since hindi naman ako yummy, hindi na din ako magiging choosy. Laman-tiyan na din daw kung ituring ng mga friends ko ang mga taga F&H.

Nung nakaraang araaw nasa isang mall kami ng mga kaibigan ko at naisipang magpa-check attendance sa F&H. Pumipili ang friend ng mga damit. Medyo may katabaan si friend. (Kailangan i-mention, kasi essential sa kuwento)

"Hey, lika nga dito sa Dressing Room" sabi ni friend.

"Artista ka? Anong dressing room? Fitting Room."

"Ganun din yun, hindi kasya sa akin to... pakuha ka nga ng next size"

Pagtingin ko sa shirt, size Zero.

"Wow, nag-abala ka pa talaga sa pagsukat ng shirt na 'to. Utang na loob naman, unang tingin pa lang sa damit, alam mo nang hindi talaga kasya sa'yo to. Kulang na lang mag-susumigaw 'tong shirt ng 'You are not small!' Ambisyosa!"

Hindi na sumagot si friend sa loob ng dressing room.. err fitting room. May lumapit na attendant. Chinito, maganda ang mga braso, pwede na.

"Sir, ano problema?"

"Ano daw size mo... ay next size pala nito" sabay abot ng shirt.

Smile lang ang ginanti ni Kuya. Matipid pero puno ng buhay.

"Pa-cute?" isip ko.

After magsukat ni friend ng shirt at nagbayad sa counter. Tinanong ko ulit si kuyang attendant tungkol sa price ng isang necklace.

"How much 'to?" pa conio kong tanong.

"600 po sir!" sagot niya

"Hindi, yung presyo lang ng necklace ang tinatanong ko hindi ka kasama!" tugon ko sa kanya.

"Si sir talaga mapag-biro." sabay kurot sa nipple ko.

"Kuya, close ba tayo?" habang paalis siya para i-assist ang iba pang customer.

Pagkatapos namin magbayad. Palabas na kami ng store ng biglang tumunog yung censor-censoran nila sa may door.

"Bat ako tumutunog, e hindi naman ako for sale?"

"Baka binenta ka na ng nanay mo!" hirit ng friend ko.

"Sir, paki-check lang po ng bag?" sabi ng lady guard.

"Try mo mag-pa check muna kaya ng mata... May nakikita ka bang may dala akong bag?"

"Baka yung mga pinamili ko ang tumutunog" sabi ni friend.

Nag simula ng i-check ng guard ang mga nasa loob ng paper bag na dala ni friend. After 48 years at 1 leap year, na realize nila na hindi pala nakuha ni Kuya attendant ang tag sa shirt na binili ni friend. Nag-apologize naman si kuya, pero naisip ko hindi yun sapat sa Stress Drilon na dinulot ng buong store sa amin.

"Kuya, hindi namin matatanggap ang sorry mo. Eto ang resibo, isulat mo ang number mo para sa friend ko!" utos ko kay kuya.

Walang nagawa si kawawang kuya kundi kumuha ng ballpen sa counter. Lumabas kami ng store, hindi na tumunog ang censor. Mas maingay na this time ang tawanan namin ni friend.

"Alam mo, kung ako ang may ari ng F&H, iba-ban kita. Ikaw tong walang binili, ikaw pa 'ton demanding."

"Magpapa-salamat ka din sa akin balang araw!" sabay tawa.

--------------------

Kahapon lang, nag text si friend.

"Remember mo si Kuya F&H?'

"Bakit? nagka-mali na naman?"

"Walang pagkakamaling naganap. May palayok lang na nabasag!"

"OMG! Bottom si Kuya? Dahil diyan libre mo ko ng kape!" sabi ko.

"Ilang litro ba gusto mo?" tugon ni friend.



Photo Source here.

~ Frenemies

|

Ironic nga naman ang buhay. Kung sino pa ang mga taong nag susumigaw na gusto ng seryosong relasyon, sila pa 'tong walang respeto sa relasyon ng iba.

May 2 akong kaibigan, pero mamaya baka i-declare ko na ding hindi. Gusto ko sila tawaging 'Frenemies' --- Friends and Enemies at the same time.

Frenemy Number 1: Close kami pero hindi ganun ka lalim ang pinagsamahan. Naisip ko nga naging visible lang kami sa isa't isa pag sa gimikan at lakaran. Hindi sa mga seryosong usapan tungkol sa buhay. Hindi kami pang Kabuhayang Swak-na-swak. Nawalan kami ng communication after niyang lumipat ng company. Tapos nitong mga nakaraang buwan lang, he started communicating, but surprisingly, hindi sa akin. Kay siopao.

For over a month now, he would randomly send text messages to siopao asking kung pwede siya pumunta sa bahay everytime na mag-isa lang si siopao at home. Minsan he would send flirt messages and eventually blurted out that he likes siopao. He would always remind siopao thru text not to mention anything about it sa akin. Ang hindi niya alam, ako din minsan ang nag-rereply sa mga kababawan niyang text.

Minsan naisip ko na ding i-confront siya, pero naisip ko, what for? Magiging utang na loob pa niya sa akin na ipinaalala ko sa kanya na nagmumukha na siyang 'cheap.' Matanda na siya, alam niya na sana ang mga ginagawa niya. Matapang akong tao, pero pinipili ko ang laban na gusto ko. Yung laban na patas, hindi yung sa umpisa pa lang alam kong panalo na ako. Sayang lang yan sa kuryente.

Frenemy Number 2: Naging kaibigan ko siya for more than a year. Super close kami na he would hang out sa apartment namin dati ni siopao. Minsan pinagluluto ko siya sa apartment niya pag nalulungkot siya, to a point na dinala namin siya sa Bacolod for a vacation. Pero surprisingly, dahil sa lakas ng insecurities niya sa katawan, hindi niya na ako pinansin after kami pumunta ng Bacolod. Dati pa he was so vocal that he likes siopao, na napatunayan niya naman nung minsan ay nag-away kami ni siopao, at bilang kaibigan tinext niya si siopao, na pwede daw siyang tumulong to look for a place if ever siopao would want to break up with me and leave our house. Ang sweet niya di ba? Bongga talaga siyang kaibigan, PLAN B na agad ang inisip. How thoughtful, How Goldilocks!

Eto na, recently lang, since siguro nabalitaan niyang pupunta akong Saudi. Sa tinagal-tagal ng panahong hindi siya nagparamdam, bigla na lang ang message kay siopao. Take note kay siopao nag message at hindi sa akin. Nagpapahanap ng apartment kasi may plano daw siyang lumipat. Wow tsong! Ang luma ng diskarte mo, kasi alam mong aalis ako at maiiwan si siopao mag-isa sa apartment. Kung makapag send ka naman ng fillers... sana dineretso mo na lang si siopao, na gusto mong ikaw ang pumalit sa akin sa apartment. Napaka 80's ng style, hindi nakakatuwa! Hindi makapag-hintay, sana pina-alis mo muna ako. G*go!

Sa 7 years naming magkasama ni siopao, ang mga ganitong bagay ay isa sa mga pinagkukunan namin ng saya. Talo ang mga comedy sitcom sa T.V. sa dulot nitong kakaibang 'laugh trip'. Pero what I am sad about is the fact that these people is thinking that the relationship that Siopao and I share are too shallow that they can penetrate it.

HINDI KAMI GAYA NG IBANG RELASYON.
At hindi ko kayang i-explain kong ano man ang meron kami kasi hindi niyo din maiintindihan.

Ang mas masakit pa ay ang katotohonang MINSAN SILA'Y NAGING KAIBIGAN at MINSAN SILA'Y NANGARAP DIN MAGKAROON NG MATINONG RELASYON.

Asa pa kayo!


Photo Source here.

~ summer senti

|

"if there’s one thing i really miss…"

the sun reminds me of someone i once share my most memorable "beach moment" with. unfortunately, tornado came and the summer heat was no longer there…
i wished the sun was patient enough to have stayed.
i know i could’ve done better.

being in the limelight is pretty hard.
you have the tendency of losing your ownself, just to keep up with the challenges of who the others thought you are.
it’s hard.

sometimes it’s taking its toll... like the sun, it burns the skin.

sana nga hindi na umabot sa ganun, sana nga hindi na naging ganun ka komplekado ang lahat. pero naisip ko din, kung hindi nagyari yun, walang nabago…
magiging ganun pa rin siguro ako.
sa bandang huli, naisip ko, mabuti na din.

sa buhay ko, wala ni isa sa mga nangyari sa akin ang pinagsisihan ko… lahat ng yun ang gumuhit sa akin para maging ako.

maghihintay ako.
darating ang araw, susukob ang ulap para pagbigyan ang hiling ng araw.
hiling para makapag bigay ng liwanag sa naghihintay na lupa.

sana hindi pa huli ang lahat…
sana maalala ko pa na mahalaga siya.
sana.


Photo Source here.

~ sabi ng puso

|
Pagpasok ko sa kwarto, nadatnan ko si Siopao na nag-aayos ng cabinet. Walang imik. Alam kong fulfillment sa kanya ang mag-ayos sa kwarto. Umupo ako sa dulo ng kama habang pinapanuod siya. Mariin niyang tinutupi ang mga damit. Hinihiwalay ang damit na may kulay sa mga puti.

Alam kong napansin niya ko, pero hindi man lang tumango at tumingin sa akin.

"Uy, alis na ko sa next week."

"Kelan tayo mag start mag-impake"

"Hindi mo ba ko pipigilan?"

"Hindi!"

Umupo siya sa gilid ng kama. Blanko ang mukha.

"Hindi dahil boyfriend mo ko may karapatan na akong pigilan ka sa mga gusto mong mangyari sa buhay mo. Ang pinaka magagawa ko lang ay suportahan ka sa mga pangarap mo. Hindi ba, sa simula pa lang, alam natin pareho na ang relasyon na 'to ay hindi dapat maka-apekto sa mga gusto nating maabot sa buhay?"

"Ahhhh..."

"Tanggap ko, na bilang asawa mo, may mga panahong gaya nito. Alam ko para sa'yo 'to at alam kong gusto mong gawin to. Masaya ako kung alam kong masaya ka sa ginagawa mo at natutupad mo ang mga pangarap mo."

"Eehhhh..."

"Huwag kang mag-alala, may babalikan ka pa naman. Hindi naman ako mawawala. Buong buhay na kitang hinintay at pinag-dasal. Ano ba naman ang 2 taon. Ayos lang yan."

"Haaaahhhh"

"Bakit ka ba sigaw ng sigaw? Hindi ka na nakapag-salita diyan."

"Eh, nagpapa-pansin lang naman ako e... nag sermon ka na diyan bigla. At inupuan mo kaya ang kamay ko. Ang sakit kaya!"

"Hay naku... Kahit kelan ka talaga... kung kelan nasa 'Maalaala Mo Kaya' mode na ko. Panira ka ng drama!"

Bumalik siya sa pagtutupi ng gamit.
Alam ko ang gusto niyang iparating, ramdam ko na higit pa sa pagmamahal ang kaya niyang ibigay.

Tiningnan ko siya habang tutok sa ginagawa. Alam kong malungkot siya.

"I love you"

"I love you more!" sagot niya.



Photo Source here.

~ thinking aloud

|

the series of 'despidida' is a hint.
reminding me, there's no turning back.

i'll be counting the days...









----------

P*TANG INA! Nalulungkot ako.





Photo Source here.

~ Oo, Ikaw!

|
From the deepest desires often come the deadliest hate. --- Socrates
Oo, Ikaw. Ikaw na masaya lang sa una, masaya lang sa mga araw na bago pa lang ang relasyon. Na pagdating ng time na nagkakaroon na ng misunderstanding, 'break up' lagi ang naiisip. Ikaw, na ang tanging rason ay 'madami pa namang mas okay diyan.' Pero kung marami ngang mas okay diyan, bakit marami pa ding single? Hindi ba dapat nakuha na din sila? Hindi mo naisip na ang problema parte ng relasyon. Ano'ng assurance mo na hindi yan magiging problema ulit sa susunod mong relasyon?Dapat naisip mo, na kahit saang relasyon ka dalhin, kung sa bawat problema, pakikipaghiwalay ang naiisip mong solusyon --- 'wag ka ng mag-boyfriend. Aksaya ka lang sa kuryente!

Oo, Ikaw. Ikaw na nagpapa-ibig at nang-iiwan kung kelan hulog na ang isa. Ikaw na mahilig lumandi, pagkatapos ay bigla mong hindi i-tetext o hindi na magpapakita sa kanya. Hindi mo na naisip na may masasaktan ka. Kung wala ka din namang seryosong balak sa kanya, 'wag mong bigyan ng dahilan para mahalin ka niya. Ginawa mong laro ang pag-ibig, at sinigurado mong hindi ikaw ang taya. Kung ganyan na din lang --- 'wag kang paasa. Sakit ka sa bangs!

Oo, Ikaw. Ikaw na kahit meron na, lumalandi pa sa iba. Hindi ito pa raffle, na '"the-more-entries-you-send, the-more-chances-of-winning." Nag commit ka na lang din sa isang relasyon, sana tinodo mo na. Hindi mo man lang naisip na ang nilalandi mo ay may karapatan din namang makakuha ng buong pagmamahal at hindi lamang kalahati na galing sa'yo. Ang pag-ibig hindi nakukuha ng tingi-tingi. Kung hindi mo kayang maging 'stick to one' --- magmahal ka ng tuta, walang limit. Hindi ka nakaka-tuwa!

Oo, Ikaw. Ikaw na kahit minsan ay wala ng matinong nagawa. Na sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay pasakit at pait ang dala mo sa lahat na tapat na nagmamahal.

Mahabag ka sana. Darating ang araw, iikot ang gulong ng buhay, mararamdaman mo din ang sakit na dinulot mo sa lahat na biktima mo. Luluha ka sa sobrang sakit pero hindi sapat ang luhang kayang ibigay ng mata. Aasa kang babalik ang minamahal mo pero tatanda kang naghihintay at hindi naka pag move-on sa buhay. Ipinapangako mong magiging tapat ka sa minamahal mo, pero magiging pipi ka para hindi mo masabi ang iyong nararamdaman habang harap-harapang bina-baboy ang pagkatao mo. Magiging 4 kayo sa buhay niya pero wala kang magagawa.

Babalik sa'yo lahat ng ginawa mo.
Matakot ka sa KARMA.


Photo Source here.

~ T.V. addict ka ba?

|

Ilan sa mga lumang t.v shows na 'to ang naa-alala mo?

1. Annaluna (ABS-CBN)
2. AnnaKareNina (GMA7)
3. Martin After Dark (ABS-CBN)
4. GMA Supershow (GMA7)
5. Star Drama Presents... (ABS-CBN)
6. Villa Quintana (GMA7)
7. Etching (GMA7)
8. Teysi Ng Tahanan (ABS-CBN)
9. Ermita (ABS-CBN)
10. TGIS (GMA7)
11. Sa Linggo nAPO Sila (ABS-CBN)
12. Super Klenk (GMA7)
13. 143 (GMA7)
14. Mornings @ GMA (GMA7)
15. Maricel Drama Special (ABS-CBN)
16. Compañero Y Compañera (ABS-CBN)
17. F.L.A.M.E.S. (ABS-CBN)
18. Ober da Bakod (GMA7)
19. D! Day (GMA7)
20. Growing Up (GMA7)
21. Gimik (ABS-CBN)
22. Buttercup (ABS-CBN)
23. Inside Story (ABS-CBN)
24. Front Page (GMA7)
25. Showbiz Lingo (ABS-CBN)
26. Hiraya Manawari (ABS-CBN)
27. Palibhasa Lalake (ABS-CBN)
28. The Sharon Cuneta Show (ABS-CBN)
29. Vente 5 (ABC5)
30. Katok Mga Misis (GMA7)
31. Idol Ko Si Kap (GMA7)
32. Tropang Trumpo (ABC5)
33. Kwarta O Kahon (RPN9)
34. Agila (ABS-CBN)
35. Battle of the Brains (RPN9)
36. Tabing Ilog (ABS-CBN)
37. Debate nina Mare at Pare (GMA7)
38. Sing Galing (ABC5)
39. Coney Reyes on Camera (ABS-CBN)
40. Valiente (ABS-CBN)
41. Marinella (ABS-CBN)
42. Hoy Gising! (ABS-CBN)
43. Mr. Cupido (ABS-CBN)
44. F! (ABS-CBN)
45. Click (GMA7)
46. Richard Loves Lucy (ABS-CBN)
47. S Files (GMA7)
48. Extra! Extra! (GMA7)
49. Private Conversations (ABS-CBN)
50. Wow MaLI (ABC5)



Photo Source here.

~ walang kawala

|

hindi lahat ng bagay, kaya mo...
hindi lahat ng sitwasyon, kaya mo...
hindi sa lahat ng oras, kaya mo...

mga hayop, puno, bagay
kagaya nila... napapagod din ang puso!

hindi ko lubos mawari kung ano ba ang dahilan bakit parang umaayaw ka na sa hamon ng buhay... marahil tama ang iyong mga kaibigan, hindi mo na kaya.

isang kapaguran na hindi mo pwedeng hindi-an. isang kapaguran na ang tanging magagawa ay ang mag "buntong hininga" na lang.

nasa mundong ito ang tinatawag na sukdulan...
sukdulan ng pagiging martyr, pagiging mabait, pagiging mapagmahal.

pero saan at kelan mo pwedeng sabihin na tapos na? na pagod ka na?
walang nakaka-alam.

pero isa lang ang sigurado sa buhay...
na ang pagka pagod ay para ding ikot ng tsubibo
may hangganan... may katapusan.

ang pagka-pagod sa mga pagsubok ng buhay ay hindi kailanman man mawawala...
eto ang buhay ng buhay....
dito umiikot ang buhay...
at dito mas sumasaya ang buhay.

marahil, naitanong mo na rin sa sarili mo kung paano hindi mapagod at kung kelan ka pwedeng umayaw.

wala tayong kawala...
lahat tayo makakaranas ng ganito...
pumirma tayo sa kasunduang ito.

sobra man o kulang...
ang pagiging pagod ay isang tanda na ikaw...
ako...
tayo...
ay tao.

pwede kang mapagod, pero hindi ka pwedeng tumakas.


Photo Source here.

~ kwentong pambata

|
Dahil naging bata ako, eto ang kwento ko:

3 years old pa lang ako, memorize ko na ang "Angel Of God" at alam ko na kung ano ang mga buwan na 30 days lang. Madal-dal na ko bata pa lang. Ang pader ng bahay namin may tanim na kamatis. Iniiwan ako ng nanay ko sa gate tuwing umaga, tapos mauubos ko lahat ng kamatis kaka-kain hanggang dumating ako sa dulo ng pader. Kaya daw makinis ako, dahil sa kamatis. LOL

4 years old ako, nung nagsimula na akong mag-aral. Dahil ayoko sa teacher, naging visitor na lang ako. Malapit lang ang office ng tatay ko sa school, so sa tuwing nawawala ako sa classroom, sinusundo ako ng teacher ko sa office ng tatay ko. Minsan ko ding tinanong ang teacher ko kung bakit wala pa siyang asawa, at sinigaw sa buong klase na umihi si Ma'am sa C.R. Naging ninang ko siya sa kumpil.

5 years old ako,ng sinira ko ang laruan kong "remote control car." Sa labas ng bahay namin, may 65 steps pababa papuntang creek. Dahil hindi gumagana ang "toy car" hinulog ko sa hagdan, pagdating sa baba---- BASAG! Nagalit ang tatay ko dahil wala lang palang battery ang remote. Ang G.I. Joe at ang Hulk Hogan kong laruan na mas malaki pa sa akin ay nasa kwarto ko pa din.

6 years old ako, naging tambayan ko ang bubong ng bahay kubo sa tabi ng puno ng bayabas. Lagi akong umaakyat sa bayabas, para umupo dun sa bubong habang kumakain. Minsan, nakatulog ako, nahulog ako sa bubong ng kubo at natusok ang hita ko sa kawayan. Kinainlangan pa ng tatay kong gumamit ng"chain saw" para matanggal ang kawayan at dalhin ako sa ospital--- yes, nakatusok pa din ang kawayan. Nag-iwan siya ng malaking marka sa hita ko, hindi nadala sa 'katialis.' Minsan naisip kong palagyan ng tattoo, pero nakakahiya naman, kasi nasa hita.

7 years old ako nung naging pulitiko ang tatay ko, nakasanayan na namin na ang bahay namin ay hindi nawawalan ng taong nanghihingi ng abuloy, pagpapalibing at pagpapa-ospital. Meron din nangungutang ng pera o nakikipag-palit ng manok, gulay, bigas at agila.

8 years old ako ng nawili ako sa farm, may piggery, poultry, mga kambing at ang mortal kong kaaway ang mga 'turkey'. Minsan na-aliw ako sa itlog nilang malaki at parang polka dots, kaya ninakaw ko siya, bigla na lang ako sinunggaban ng 3 Pabo (turkey), nawalan ako ng malay at puro kalmot at tuka ang aking likod. Simula nun hindi na ako lumalapit dun, natutunan ko ng makuntento sa pagsakay sa kambing.

9 years old ako, naranasan kong maging 'pari' sa kindergarten fancy graduation. Ako ang nagsasabi ng "By the power vested in me, I now declare you Graduates of 1992." Naging ring bearer ng napakaraming kasal, escort sa napakaraming 'beauty contest' ng mga bagets. Ni minsan hindi ako ang kinoronahan.

10 years old ako ng nagsimulang mag collect ang nanay ko ng "Barbie," kakatapos lang maipanganak ang bunso kong kapatid at na realize niyang walang chance magka-anak ng babae. Dahil sa depression, bumili ng mga manika, binibihisan at ginagawan ng damit. Nainis ako sa mga manika, pinagpuputol ko an gmga ulo at tinatago sa ilalim ng sofa. Nahuli ako ng nanay ko, pinalo ako at pina-harap sa pader ng buong araw. (Kaya hindi lahat ng bading gusto ng manika... isaksak mo yan sa kokote mo!)

11 years old ako ng na-circumcised, buong akala ko ang 'circumcision' ay puputulin ang haba, yun pala babalatan lang. Tanga lang. Iyak ako ng iyak. May 1, 1994 yun, kasabay ng 'Labor Day', parang nag labor din ako. After 1 week, nanghuhuli na ako ng langgam sa labas ng bahay.

12 years old, grumaduate na ko ng Elementary. Excited na mag high-school at excited na din maging 13. Sa mga panahong ito, hindi pa din ako nagsusuot ng underwear. Pinilit lang ako ng tatay ko kasi daw binata na ako. Nawalan ako ng choice.

*******

Naalala ko ang lahat ng 'to habang tinitingnan ko ang mga luma kong litrato. Malayo na din ang narating ko. Ilang taon na din ang nalampasan ko. Salamat sa Diyos at okay pa din ako. Nakaka-tuwang isipin na hindi nasayang ang araw ng kabataan ko. Ang mga pangyayaring ganito ang nag-hubog sa akin para maging ako.

Ako ito.


Photo Source here.

~ sweet revenge

|
Revenge is sweet and fattening.

Kaninang umaga, may kung anong hangin ang pumasok kay siopao para bigla niya akong gisingin, sabay daw kami. Idadaan niya ko sa office tapos makikipag meet siya sa mga dati niyang ka opisina. Ano na? Makikipag-kita ng 5 ng umaga? Breakfast meeting?

The entire trip, hindi ako pinapansin. Para lang akong plastik na aso na umuuga-uga ang leeg na nakalagay sa harap ng driver ng taxi. O di kaya yung kuting ng mga intsik na walang ginawa buong maghapon kundi kumaway.

Nainis ako. Nung pababa na, biglang nag-smile at nag goodbye. Adik. Inirapan ko nga. Walang lingon-lingon. Talo si Amor Powers kung mag galit-galitan.

Bilang ganti, hindi ako tinext buong araw. Siyempre nainis ako lalo. Mabuti pa ang SMART nag-text sa akin tungkol sa kung magkano ang charge pag nag upload ng picture sa facebook. Buti pa ang Q, nagtetext sa akin ng mga happening sa weekend, na until now hindi ko malaman kung sino ang nagbigay ng number ko dun. E hindi ko nga mahanap ang lugar na yan sa mapa. Buti pa si Aling Lucing, na kahit na mis-sent lang siya at inakalang ako ang kumare niya, ay nakuhang yayain akong mag mahjong. Buti pa si Vice Ganda laging may nagte-text. Pero si siopao hindi nagparamdam. Walang text. Kahit sut-sut, wala.

Nangangamoy away ah. (Drum roll!)

Bago ako umuwi galing work, dumaan muna akong Pancake House para bumili ng pasta.

"Take out po ba?"

"To Go"

"Ay sir, dun po yan sa kabilang street."

"Ang alin?"

"Ang ToGo"

Naningkit ang mga mata ko na parang si Maricel Soriano, at gusto ko siyang talakan ng mga 145 words a minute na walang hingahan. Pero dahil naniniwala ako sa goodness, pinalampas ko na si Ate. Walang gamot sa pagiging tanga, kundi pagkukusa.

Pag-uwi ko ng bahay, tulog ang mokong. Nakadapa at walang damit. Sh*t, baka rape ang kahahantungan nito. Joke! (First day ko ngayon, bawal... di ba girls? LOL)

"Wi, gising na?" mala Jacklyn Jose, malumanay tone.

Ungol.

"Sige na gising na?" in a very Angelu de Leon pa tweetums na boses. (T.G.I.S. Days)

Ungol lang na may halong pagkatamad ang ginanti.

"Sige na, gising na. May pasta akong dala..."

Parang nagkasunog bigla sa kapitbahay at gising na gising na agad ang diwa niya.

"Ano to? Bat nagdala ka ng pasta?"

"Pakonsensiya"

"Huh?"

"Dahil nainis ako sa'yo kaninang umaga, at dahil hindi ka nag text buong araw, bubusugin ko ang konsensiya mo"

"Ang galing mo talaga"

"Killing people with kindness, is the best revenge! Kung tatalakan kita, baka ako pa ang magmukhang balahura."

"May point ka diyan... mula ngayon aawayin na kita para may 'revenge' kang laging dala."

"Utot mo!"

Ang sumunod na eksena ay ang pag sentensya sa pasta. Hindi na nagsalita. Sa bilis na naubos ang pasta, I doubt kung nakonsensiya.

Di bale na. Nakita ko namang tuwang-tuwa siya. Solve na.


Photo Source here.

~ meron din ako niyan, promise!

|
I never thought it was worth it, you know waiting for your love, and then I felt your kiss, I could wait forever for this

hindi pa man kita lubos na kilala, pero base sa nababasa ko, alam ko na hindi iba ang nararamdaman mo sa minsang naramdaman ko.

LUNGKOT.

magka-iba lang siguro sa kung bakit at saan nanggagaling ang lungkot. magka-iba man ang rason, pero pareho parin ang nararamdaman.

LUNGKOT.

pero gusto kong isipin mo, na hindi ako kailanman kailangan kainggitan. kagaya mo lang din ako. naghanap ng kaligayahang kagaya ng ninanais mo. pero siguro, kung alam mo ang kuwento ng pagkatao ko, maiisip mo na ang lungkot na nararamdaman mo ngayon ay wala sa lungkot na dinanas ko dati.

naisip ko. siguro binigay si siopao sa akin at minahal ako ng totoo at lubos dahil kailanman hindi ako nakaranans ng pagmamahal mula sa mga taong inaasahan kong magbibigay sa akin nito: MAGULANG. PAMILYA. KAIBIGAN.

lumaki akong hindi ko nakuha ang klase ng pagmamahal na alam ko meron ka mula sa iyong pamilya. ang suporta ng iyong mga magulang sa kung ano ka at ang sayang hatid ng mga kapatid at kamag-anak na matatakbuhan --- WALA AKO.

wala akong mga kaibigan mula nung ako'y nagsimulang magka-isip. tinago ko sa sarili ko ang lahat ng nararamdaman ko, Diyos ang lagi kong kausap. walang gustong makipag kaibigan sa akin, sa kagustuhan na din ng mga magulang ko. naging mailap ako sa kalaro... sa tao. nagkaroon ako ng matalik na kaibigan, pero tinarantado ako. nagluksa ako sa ginawa niya. nanlumo. muntik ng sumuko. naisip ko, malas ako sa kaibigan. ikumpara sa'yo, ang dami ng mga kaibigang nagmamahal sa'yo --- WALA AKO.

dumating ako sa punto, na parang wala na ring saysay na magpatuloy sa buhay. nagsumbong ako sa Diyos. minsan nag-sumbat. pero sinabi niya sa akin, 'wag akong bumitaw.

MAS MABUTI NG MAPAGOD SA PAGHIHINTAY.... at least, NAGHINTAY.

sa lahat ng dinaanan ko, sa pamilya, sa kapwa, sa kaibigan... ang pagdating ni siopao sa buhay ko ay hindi lamang isang bagay na matagal kong hinintay, binigay siya dahil alam ng Diyos, na achieve ko na ang quota ko sa dami ng luhang dapat iluha.

humihingi ako ng paumanhin sa lahat na nagbabasa, kung wala akong ibang bukambibig na banggitin dito sa blog ko kundi kung gaano ako ka saya, ka-swerte sa kung ano mang sitwasyon meron ako at ang relasyon namin ni siopao.

hindi yun para inggitin ang sino man (alam ko maraming naiinis), o palungkutin ang sino man.
gusto ko lang ibahagi sa lahat na bawal mawalan ng pag-asa. na andito kami bilang patunay na pwede at merong may nakalaan para sa lahat. may pag-ibig na malaking pwedeng paghatian ng bawat isa.

hindi man gaya ng sa amin ni siopao ang klase ng pag-ibig na makukuha niyo, pero sure ako may pag-ibig na nakalaan sa inyo, sa paraang Diyos lang ang may-alam.

hindi man patas ang oras, pero patas tayo pagdating sa pag-ibig. hindi ako ma suwerte...
NAUNA LANG.



Photo Source here.

~ totoong may nag text

|
(Click image to enlarge)

Saturday. Naging ugali ko na ang mag log-in sa facebook, sa blog, at sa twitter para i-check at mag reply sa mga nag-comment overnight.

Kaka log-in ko pa lang sa fb ng may apat agad na sunod-sunod na nakipag chat, lahat sila ay hindi ko personal na kakilala, puro mga nakaka-sagutan ko lang sa mga comment.

Una: "Okay ka lang ba?"
Pangalawa: "Ano ba yung tinext mo kagabi?"
Pangatlo: "Totoo bayung text mo"
Pang-apat:"Manloloko!"

Sa lahat ng message, maliban sa hindi ko naiintindihan kung bakit ganun ang mga sinabi nila, hindi ko din matanggap ang sabihin akong manloloko.

Kahit saang networking site, hindi ko kailanman tinago ang aking mukha, pagkatao, o panglan dahil naniniwala akong wala akong dapat ikahiya o itago sa aking pagkatao. Kahit hindi ako out sa family ko, ni minsan hindi sumagi sa isip ko ang magpanggap o manlinlang ng kapwa.

"Bakit?" Sagot ko sa apat na parang hinihintay talaga ako mag online. Parang fans na nag-aabang sa mall show.

Nagreply ang lahat na parang may kodigong pinagkunan ng sagot. Pareho ang nilalaman, iba-iba nga lang ang pagka-kuwento.

May nag text daw sa kanila ng gabing yun, nagpakilalang ako at nanghihingi ng pera kapalit ay SEX. (prangkahan na, naiinis ako e!)

Sabi sa text:
Hi, Si _____ po to, yung friend mo sa facebook.
Check mo na lang picture ko sa facebook.
1000 pesos lang kapalit SEX tayo, kahit ano gagawin ko!

Namutla ako sa sinabi nila. Dalawang bagay lang ang pumasok sa isip ko:

1. Since hindi ko sila ka-close masyado, gusto kong i-convince sila na hindi ko gawain ang mga ganyang bagay, at ni minsan hindi ko inisip na gawing kalakal ang pakikipag SEX. Na hindi ako ang nag text sa kanila at ginamit lang ang facebook ko at ang inosente kong mukha para pagka-perahan sila.

2. Sino kayang hinayupak ang gumawa nun at sa dinami-dami ng member sa facebook, ako pa ang napili niya. Ano kaya ang ginamit niya? Tambiolo ba o electronic raffle? At paano ko magawang mahuli ang litsugas na yun at magawang balatan ang talampakan at palakarin sa mainit na Aspalto papuntang Baclaran. Isa lang ang sure ako, isa lang din sa mga friends ko sa fb.

Na convince ko ang tatlo, hindi kasi pumatol sa malisyosong text kaya hindi mahirap paliwanagan. Nasabi ko tuloy na imposibleng i-text ko sila kasi SMART ang number ko at puro GLOBE sila. (Ako na lang yata ang natitirang SMART subscriber sa buong mundo) Kitams, pati ang nanloloko sa kanila GLOBE din. Hayup!

Nahirapan ako sa pang-apat mag convince, nagpadala kasi si Bakla ng 1000 thru Western Union, na convince kasi daw siya na magpadala kasi kahit pamasahe daw wala ang manloloko. Sabi niya, based daw sa picture ko sa facebook ay mapagkaka-tiwalaan naman daw ako. (May isa pa siyang sinabi bakit napapayag siya, hindi ko na sasabihin, mabigat magbuhat ng bangko. Nakaka-pilay!)

"Ang mukha ko sa facebook mapagkakatiwalaan talaga yan, pero ang nag text sa'yo kagabi...HINDI!"

Buti na lang may common friend kami na classmate ko nung college at online sa araw na yun. Sinabi ko sa kanya na tanungin ito para mapatunayan kong hindi ako naglalako ng karne thru text. Buti na lang naniwala, pero ang araw ko nasira.

Dali-dali akong nag post sa FB, para bigyan babala ang mga fans.. ay mali, friends pala. Nakahakot siya ng record breaking comments at marami din ang nag nag-confirm na nakatanggap ng parehong text message.

Naisip ko, account ko lang ang pwede kong kontrolin hindi ang pag-iisip ng ibang tao na pwedeng gamitin ang mga picture ko at ang pagkatao ko para maka panloko ng kapwa.


Siguro, oras na din para mawala ako sa cyberspace. Babalik na lang ako sa "Airmail"



~ nagalit ang buwan sa haba ng gabi.

|


bilog ang buwan kagabi.
sa ilalim nito ay beer, bote, yelo at basang mesa
sa paligid nito ay maraming linga.
ay mali...
sa paligid nito ay
ako
si siopao
si darc
si jepoy
si london boy.

masaya.
maraming kuwento.
maraming tawa.
maraming natutunan.


salamat.



Photo Source here.

~ mas corny pa sa mais

|
A light wind swept over the corn, and all nature laughed in the sunshine. --- Anne Bront
Kahapon. Tulog si siopao (as usual). "The Buzz" ang nasa T.V. Nangangamoy inihaw na mais. Mabango. Hindi ako nakatiis bumaba ako. Bumili ng 2. Mainit. Mabango. Mukhang masarap, kagaya ng nagbebenta. Masarap. Pero ang mukha, mais. Hahaha!

"Gusto mo ng mais?"

Hindi pa fully gising si siopao, pero tumatango na. Iniabot ang kalahati. Umupo sa kama at kinain. Kinuha ko ang iba sa sala. Umupo sa tabi niya.

"Masarap ba? Mabuti nga hindi matigas at matamis."

Deadma.

"Wala bang 'thank you' diyan?"

Deadma.

"Gusto mo pa?"

Deadma.

Walk out sabay sara ng pinto. Malakas. Drama.

At dahil hindi siya sumunod,at feeling ko walang balak sundan ako. Wa epek ang walk-out. Parang bumili lang ako ng ice candy pero hindi naman matigas. Walang kwenta. Fail. Sa EDSA 2 lang ata effective ang walk out. (Happy EDSA People Power 1 Anniversary pala sa lahat!)

Bumalik ako ng kwarto. Ngata pa din siya ng ngata na parang daga. Eto ang bago, hindi pa din niya ako pinapansin.

"Hello, ako ang bumili niyan? Sana alam mo sa mundo mo na nag i-exist ako."

"Halika nga dito?"

"Wow, nagka boses ka na! Bat di mo ko pinapansin kanina"

"OA mo, may walk out ka pa diyan nalalaman"

"Hindi mo ko pinapansin e!"

"Eh,masarap yung mais"

"Pansin ko nga!"

"@#%&zs %^^!~*(_$%#" yan ang sumunod na sinabi, hindi ko naintindihan dahil puno ang bibig ng mais. Ngata pa din ng ngata.

Sumenyas na lang na ma-higa ako sa tabi niya habang kumakain ng mais. At binalot ng katahimikan ang bahay. Naging maingay ang bawat nguya. Naniningkit na naman ang mata niya sa tuwa.

Na-realize ko. (yes, may realization!)
Mais ang bago kong karibal. Simula sa araw na 'to ban ang mais sa bahay.
Goodbye.


Photo Source

~ kwentong emergency

|
“A love-sick heart dies when the heart is whole, For all the heart's health is to be sick with love”
Schedule ni siopao today para magpa colonoscopy (for definition please ask Google). Three days na siyang wala gaanong solids, puro clear soup, water, at bawal ang fruits, grape juice at something na mapula in preparation for the test.

Around 10 in the morning, ready na kami to go to Makati Med (MMC), 11am ang schedule niya kaya dapat maaga, bawal uminom ng water at kumain. In other words, gutom kami peraho ng pumunta ng ospital.

Sedated siya at mga 2 hours nagtagal ang procedure. Buti na lang may Showtime na palabas sa T.V., hindi ko naramdamang puro may sakit ang naghihintay dun. Labas-pasok ang mga tao. Lahat may kanya-kanyang daing.

Maya-maya lumabas na si siopao, hawak-hawak ang tiyan. Masakit daw at bloated ang feeling. Bumaba kami to submit some forms. Habang nag hihintay sa queue, sabi niya sumasakit daw ang tiyan ya ng sobra. Inisip ko, since last night pa ang last na kain niya, baka gutom lang.

So naisipan kong kakain muna kami bago umuwi.

Palabas na kami ng MMC, literally nasa ilalim kami ng name na "MAKATI MEDICAL CENTER" sa may entrance ng bigla na lang nawalan ng malay si siopao, bigla na lang bumagsak. Parang "Pieta" ang eksena namin sa labas ng MMC. Nag sigawan ang mga tao to ask for help.

Si Kuya Guard, may-i-senyas lang na paupuin ko daw sa wheelchair.

"Hello, hindi ho siya magaan. Try mo kaya akong tulungan kuya!"

Putlang-putla si Siopao, parang siopao sa puti, kulang na lang pula sa noo. Asado na. Diretso sa Emergency si Siopao sakay ng wheelchair, habang ako sa likod tumatakbo. Parang teleserye ang eksena, ang mga tao nagtinginan.

Marami ang nagulat.

"Parang gulat na gulat naman ang mga toh? Ospital po to, malamang maraming naka wheelchair at kadalasan maraming walang malay" sa isip ko.

Pagdating sa Emergency, taranta ang mga pogi, este ang mga nurse at doktor. Lahat nagtatanong sa akin ng sabay-sabay, nagtatanong ng paulit-ulit.

"Nagpatawag ba ako ng presscon? Bat ang daming interview?" isip ko.

Siguro mga 4 na beses akong nag oration. Kulang na lang judges at stage, i-dedeclare na akong panalo. Kwento mula simula hanggang sa kung paano kami napadpad sa Emergency.

Habang hawak hawak ko ang tsinelas ni siopao, kinakausap ko ang mga doktor, ang health card representative at ang mga nagtuturok sa kanya ng kung anu-ano. Na feel kong asawa ako ng pasyente.

"Doc, iligtas niyo po ang asawa ko. Maawa na po kayo!" sabay patak ng 2 drops ng luha sa right cheek.
(Walang ganung nangyari, baka pag nagkataon baka dumating ng wala sa oras ang mga taga National Center for Mental Health).

Maya-maya bumalik na ang kulay ni siopao. Namula na ulit ang ma-putlang bibig kanina. Nagkamalay na din sa wakas at nag litanya ng...

"Nagugutom ako!"

At that point, alam kong okey na si siopao. Naiisip na naman ang pagkain.

Kinailangan siyang i-dextrose at i-Xray para malaman kung may complication ang kaka-sagawa lang na colonoscopy.

Habang hinihintay ko si siopao lumabas ng x-ray room. Naisip ko, ganun pala talaga sa Emergency Section. Iba ang adrenaline rush. Iba ang fulfillment na mararamdaman mo kung nakatulong ka. Walang room para sa antok sa mga nurse at doktor. Bawat dating ng mga tao, kailangan handa ka. Oras ang kalaban nila at buhay ang hinahabol.

Maya-maya bumalik na si siopao, sabi ng doktor, wala namang complication sa stomach area at sa intestines. Kulang lang daw sa Potassium.

Everybody now. "Huwaaahhht?!"

Saging lang ang sagot? Kailangan lang kumain ng maraming saging?

"Pina-pakain ko naman siya ng saging lagi ah?" sa isip ko.

Ay mali. Totoong saging pala ang ibig sabihin ni Doc. Fine.



**********
Okey na si Siopao, naka-uwi na din kami ng bahay. Nagsisimula nang mang-asar. Alam kong okey na talaga siya.

Photo Source here.

~ mabilisan

|
You cannot escape the responsibility of tomorrow by evading it today.
--- Abraham Lincoln

gumising ng maaga. naligo. ang init ng tubig. pwedeng magluto ng itlog. nagsipilyo. nag clay. nagcheck ng e-mail. nagbihis. konting pili ng susuotin. kahit ano lang naman. ginising si siopao para mag goodbye kiss. nakapikit pa din ang mata niya. habang yakap ko siya na realize ko pumapayat. effective ang 2 patatas at 2 puting itlog araw-araw. saturday at sunday lang ang kanin. bumaba ng apartment at nag-abang ng jeep. mas mabilis ang jeep pag umaga. 15minutes lang nasa ayala ka na. 30 minutes early nasa office na ko. nag facebook at nag twitter habang nag-titimpla ng kape. nakipag-kwentuhan saglit sa mga badette. habang iniinom ang kape. purong kape. lactose intolerant. nagsimula ng mag check ng email. nagbukas ulit ng facebook. nag-bukas ng mga nakaugaliang blog. nag check ng inquirer habang kumakain ng kariman-pizza flavor. may bago pala silang flavor - sisig. sana gumawa na lang sila ng kariman-beer flavor para tagay-tagay na. nahiya pa sila. lagok ng tubig habang ang kabilang cubicle ay naglalaro ng bingo. 2 ang nanalo. as usual ang cards ko pinalaro ko sa iba. kulang na nga lang clown at saklaan, perya na ang office. given na ang mga clown at ang mga raging diva-marami na niyan sa opisina. tinahak ang ayala sa ilalaim ng araw para maka kain sa fine dining McDonalds malapit sa PBCom. Kaka-piranggot magbigay ng catsup. nanghingi ako ulit. nainis. pagkatapos mag lunch, sa elevator may badette na nakatingin sa akin. naka shades ako kaya na-oobserbahan ko siya. taga 7th floor. muntik ng lumampas. ayan tuloy. nakipagbolahan sa receptionist habang sinisipat ang mga pumapasok na empleyado. nag-tungo sa c.r. para mag toothbrush. andun si tolits. distracted talaga ako sa bukol niya. bakit kasi ganun. nagtatanong ng kung anu-ano. jusko sa c.r pa. sumasagot ako ng hindi nakatingin sa kanya. bad trip walang tissue. bumalik sa cubicle. nagtrabaho. kunwari.hindi ko namalayan uwian na pala. lalo na pag busy-busyhan ka. naglakad papuntang glorietta. bumili ng pagkain. sumakay ng bus. 48 years kung umalis. pati yata lamang dagat gustong isakay. nagbigay ng pamasahi. hiningan ng piso. wala sabi ko. nakakunot ang nuo ng konduktor. paki-alam ko. problema ko pa ngayon ang sukli ko. tae mo. bumaba ng bus. sumakay ng jeep. kahit hindi na kasya. pilit parin nagsasakay ng pasahero. bwisit. dapat kasama sa nakapaskil sa jeep ang kung paano mag-dyeta. ako lang ang payat sa jeep. ako pa ang hindi nakaka-upo ng maayos. dumating sa bahay ng pawis. daig ko pa ang nangolekta ng pawis sa gym. summer na talaga. binuksan ang tv. american idol na. nagluto ng corned beef. napaso. kumain na parang construction worker. dumighay. nakipag chat kay siopao. nagtatanong ng mga low-fiber foods. naguluhan. napagod. pumasok sa kwarto. nagbasa ng libro. nakatulog. nagising. nag-blog. hindi magawang ayusin ang post niya. dikit-dikit. sana ayos lang kayo sa pagbasa. salamat. bilis noh?


Photo Source here.

~ kape ba gusto mo?

|

Mahaba ang pila sa Starbucks. Matagal umusad ang pila.

Mga tatlong tao na lang siguro ang pagitan ko sa counter, may sumingit na babae.

Mapula ang pisngi na parang kagagaling lang sa boxing.
Mapula. Daig pa ang sore-eyes sa pula.
Maraming abubot sa katawan, akala niya siguro gumanda siya sa mga stainless at latang nakakabit sa leeg niya. Nagmukha lang siyang junk shop.
Maiksi ang suot na palda. Konting tuwad lang, mag he-Hello Philippines, Hello world na!

Narinig kong nagreklamo sa sarili ang babaeng nasa likod ko. Hindi ako umimik. Hinayaan ko lang ang babae na sumingit. Mas may maganda akong balak. Matutuwa ka, relax ka lang Ateng nasa likod ko.

After niyang maka-order. Sabay kaming naghintay tawagin ang aming pangalan sa dulo malapit sa kuhanan ng tissue paper at stirrer.

"Miss, do you know what GMRC is?"

Blangko ang mukha ni ate, parang drawing book ng mga bata sa Kindergarten.

"Oh, that explains why."

Wala pa ring imik si ate. Alam niya kung saan papunta ang usapan. Biglang nag salita, this time defensive.

"What are you trying to say, na wala akong breeding?"

"Sa'yo nanggaling yan hindi sa akin... Mabuti pa nga ang aso meron, ikaw wala!" malumanay ko siyang sinagot habang nakangiti.

Nagsisimula na kaming pagtinginan ng mga tao. Pati ang mga barista nagka-interes, kulang na lang pom-poms, may cheering squad na 'kami.

"How dare you!" pasigaw niyang hinarap ako at dinuro.

"Yeah, dare me... mag-ingat ka, most people here inside saw what you did... Now, kung sa tingin mo mahal mo ang buhay mo at ang mga basurang nakakabit sa katawan mo, get out of this place bago ka kuyugin ng mga taong inagawan mo ng pila." pabulong kong sinabi kay ate, pero enough para marinig ng mga taong malapit sa amin.

Saktong nilagay ng barista ang inorder niyang frap. Kinuha ko at inabot sa kanya.

"Ayan dalhin mo yan, ibinaba mo ang pagkatao mo para sa kape na yan. Itabi mo sa pagtulog para worth it."

Nag-walk out si Ate. Nagtaka ang iba sa binulong ko. Natuwa si Ate na nasa likod.
Tse.


PAALALA

Ang nilalaman ng blog na ito ay pawang opinion lamang ng may akda. lahat ng imahe, larawan o litratong nandito ay halaw sa iba't ibang 'website'. Kung may mga larawan kayo at nais niyong ipatanggal, marapat lamang ipagbigay alam sa may akda. Maraming salamat.