
Pagpasok ko sa kwarto, nadatnan ko si Siopao na nag-aayos ng cabinet. Walang imik. Alam kong fulfillment sa kanya ang mag-ayos sa kwarto. Umupo ako sa dulo ng kama habang pinapanuod siya. Mariin niyang tinutupi ang mga damit. Hinihiwalay ang damit na may kulay sa mga puti.
Alam kong napansin niya ko, pero hindi man lang tumango at tumingin sa akin.
"Kelan tayo mag start mag-impake"
"Hindi mo ba ko pipigilan?"
"Hindi!"
Umupo siya sa gilid ng kama. Blanko ang mukha.
"Hindi dahil boyfriend mo ko may karapatan na akong pigilan ka sa mga gusto mong mangyari sa buhay mo. Ang pinaka magagawa ko lang ay suportahan ka sa mga pangarap mo. Hindi ba, sa simula pa lang, alam natin pareho na ang relasyon na 'to ay hindi dapat maka-apekto sa mga gusto nating maabot sa buhay?"
"Ahhhh..."
"Tanggap ko, na bilang asawa mo, may mga panahong gaya nito. Alam ko para sa'yo 'to at alam kong gusto mong gawin to. Masaya ako kung alam kong masaya ka sa ginagawa mo at natutupad mo ang mga pangarap mo."
"Eehhhh..."
"Huwag kang mag-alala, may babalikan ka pa naman. Hindi naman ako mawawala. Buong buhay na kitang hinintay at pinag-dasal. Ano ba naman ang 2 taon. Ayos lang yan."
"Haaaahhhh"
"Bakit ka ba sigaw ng sigaw? Hindi ka na nakapag-salita diyan."
"Eh, nagpapa-pansin lang naman ako e... nag sermon ka na diyan bigla. At inupuan mo kaya ang kamay ko. Ang sakit kaya!"
"Hay naku... Kahit kelan ka talaga... kung kelan nasa 'Maalaala Mo Kaya' mode na ko. Panira ka ng drama!"
Bumalik siya sa pagtutupi ng gamit.
Alam ko ang gusto niyang iparating, ramdam ko na higit pa sa pagmamahal ang kaya niyang ibigay.
Tiningnan ko siya habang tutok sa ginagawa. Alam kong malungkot siya.
"I love you"
"I love you more!" sagot niya.
Photo Source here.