Revenge is sweet and fattening.

Kaninang umaga, may kung anong hangin ang pumasok kay siopao para bigla niya akong gisingin, sabay daw kami. Idadaan niya ko sa office tapos makikipag meet siya sa mga dati niyang ka opisina. Ano na? Makikipag-kita ng 5 ng umaga? Breakfast meeting?
The entire trip, hindi ako pinapansin. Para lang akong plastik na aso na umuuga-uga ang leeg na nakalagay sa harap ng driver ng taxi. O di kaya yung kuting ng mga intsik na walang ginawa buong maghapon kundi kumaway.
Nainis ako. Nung pababa na, biglang nag-smile at nag goodbye. Adik. Inirapan ko nga. Walang lingon-lingon. Talo si Amor Powers kung mag galit-galitan.
Bilang ganti, hindi ako tinext buong araw. Siyempre nainis ako lalo. Mabuti pa ang SMART nag-text sa akin tungkol sa kung magkano ang charge pag nag upload ng picture sa facebook. Buti pa ang Q, nagtetext sa akin ng mga happening sa weekend, na until now hindi ko malaman kung sino ang nagbigay ng number ko dun. E hindi ko nga mahanap ang lugar na yan sa mapa. Buti pa si Aling Lucing, na kahit na mis-sent lang siya at inakalang ako ang kumare niya, ay nakuhang yayain akong mag mahjong. Buti pa si Vice Ganda laging may nagte-text. Pero si siopao hindi nagparamdam. Walang text. Kahit sut-sut, wala.
Nangangamoy away ah. (Drum roll!)
Bago ako umuwi galing work, dumaan muna akong Pancake House para bumili ng pasta.
"Take out po ba?"
"To Go"
"Ay sir, dun po yan sa kabilang street."
"Ang alin?"
"Ang ToGo"
Naningkit ang mga mata ko na parang si Maricel Soriano, at gusto ko siyang talakan ng mga 145 words a minute na walang hingahan. Pero dahil naniniwala ako sa goodness, pinalampas ko na si Ate. Walang gamot sa pagiging tanga, kundi pagkukusa.
Pag-uwi ko ng bahay, tulog ang mokong. Nakadapa at walang damit. Sh*t, baka rape ang kahahantungan nito. Joke! (First day ko ngayon, bawal... di ba girls? LOL)
"Wi, gising na?" mala Jacklyn Jose, malumanay tone.
Ungol.
"Sige na gising na?" in a very Angelu de Leon pa tweetums na boses. (T.G.I.S. Days)
Ungol lang na may halong pagkatamad ang ginanti.
"Sige na, gising na. May pasta akong dala..."
Parang nagkasunog bigla sa kapitbahay at gising na gising na agad ang diwa niya.
"Ano to? Bat nagdala ka ng pasta?"
"Pakonsensiya"
"Huh?"
"Dahil nainis ako sa'yo kaninang umaga, at dahil hindi ka nag text buong araw, bubusugin ko ang konsensiya mo"
"Ang galing mo talaga"
"Killing people with kindness, is the best revenge! Kung tatalakan kita, baka ako pa ang magmukhang balahura."
"May point ka diyan... mula ngayon aawayin na kita para may 'revenge' kang laging dala."
"Utot mo!"
Ang sumunod na eksena ay ang pag sentensya sa pasta. Hindi na nagsalita. Sa bilis na naubos ang pasta, I doubt kung nakonsensiya.
Di bale na. Nakita ko namang tuwang-tuwa siya. Solve na.
Photo Source here.