~ goodbye for now

|

Malamang habang binabasa niyo 'to nasa eroplano na ako nagtitinda ng yelo... ay hindi pala,nasa eroplano na ako papuntang Jeddah, sa hinaba-haba ng paghihintay ko, eto't tuloy na din sa wakas.

Ba't ba kasi ako na delay? Well, kagagawan ko din naman. Hingi ako ng hingi ng extension kay Lord na huwag muna ako paalisin. Ayan, pinagbigyan. Andaming dapat pagpa-alamanan. Gusto ko ding mag spend ng holy week sa Bacolod, given hindi uso ang holy week sa Jeddah. Nararapat lang na i-spend ko to kasama ang family ko.

Hindi din naman ako makakapayag na pupunta ako ng ibang bansa na hindi ko nakikita ang family ko. Kailangan ng emotional recharge, maka-hingi man lang ng huling payo sa magulang. Okay na sa akin yun.

Ano naman mangyayari kay siopao? Uhmm... mawawalan siya ng sauce this time. Hehehe! Well, matagal ng ready si siopao sa pag-alis ko, pero hindi kanina. Muntik ng dumating ang Maynilad para i-check kung may sira ba ang gripo namin dahil bumaha... luha lang pala galing sa kwarto namin.

I know pag babasahin niya to, tataas ang kilay nito. Hindi naman ganun ka drama ang naging eksena. Naluha lang ng mga 3 1/2 drops tapos nag simula na siyang mag impake ng gamit ko. Oo, siya ang nag empake, hinayaan ko na, siguro gusto mag MMK moment, yung nagtutupi ng damit habang umiiyak? Hehehe!

Gusto kong kunin ang pagkakataong ito, kahit hindi niyo ito ibibigay, na magpasalamat sa lahat ng nag "Wish me Luck" sa akin. Cliche man maituturing, pero para sa isang taong aalis, malaking bagay ito. Lalo na't pupunta siya sa lugar na maraming bawal. Hehehe!

Hanggang sa muli kong pag update ng blog. Naway may internet ang aking titirhan dun at para ma-update ko kayo sa bagong yugto ng buhay namin ni siopao.

Kung dati ang blog na 'to ang nagpatunay na may M2M relationship na tumatagal. This time, gusto naman naming patunayan na may 'Long Distance Relationship' M2M edition na nagtatagal din. (Parang MELASON lang! may chapter?!)

Nais ko sanang hingin ang inyong panalangin sa bagong hamon ng buhay naming dalawa. Diyos na ang bahala sa inyong mabubuting puso.

Naway ang mga single ay magka boyfriend na. Ang mga malilibog ay maging negative sa HIV test. At ang mga manloloko ay lapain ng aso now na!

Hanggang sa susunod.

Nagmamahal,
Charo

(Pati ba naman dito, e-eksena ka? Charo?)

~ kami at ang kamiseta

|

Hatak-hatak ako ng kaibigang si Valerie sa mall. Actually napilitan lang ako kasi parang mababasag na ang tenga ko nung nag usap kami sa telepono when I was trying to put up an alibi ba't hindi ko siya masamahan.

Parang nakapatay ako ng tao kung sigawan niya ko sa telepono. Kesyo hindi na daw siya mahalaga, kesyo pinagpalit ko na siya sa ibang kaibigan ko. Pero para matapos na lang 50 minutes after nasa Food Choices na ako naghahabol ng late brunch habang siya nasa cab pa lang galing Parañaque.

Ang galing di ba, ako pa ang naghintay. Pero special si Valerie sa akin. At some point naging parte siya ng straight days ko and nanatili kaming close. Boyfriend ang tawag niya sa akin, hindi niya daw ako pwedeng tawaging "sister" kasi wala naman daw akong belo. Ok fine.

Alam ko na ang silbi ko sa kanya sa ganitong SALE ang mall. Ang maging taga bitbit ng mga pinamili nya at sa bawat pagbabayad niya sa counter ay voluntarily ipapakilala niya akong boyfriend. Pathetic lang!

Half-way through sa pag sho-shopping, pumasok kami ng Kamiseta Store. Dahil puro pambabaeng damit ang andun, buraot akong umupo sa sofa at tinitingnan ang mga babaeng pumapasok sa store. Ma swerte na ko kung may boyfriend ang babaeng pumasok dahil for sure, uupo din yan sa sofa para hintayin ang girlfriend.

"Hun..."

Parang familiar ang boses.

"Honey"

Paglingon ko si Valerie nga. Dali-dali ko siyang nilapitan.

"Nyeta ka, pa honey-honey ka pa diyan... Nakakasuka ha!" bulong ko sa kanya.

Pangiting pumasok lang ang hitad sa fitting room. Normal na ganun lagi ang eksena. Everytime magsusukat siya ng damit, kailangan kong hintayin siya sa labas ng fitting room para sa approval ko kung maganda ang piniling damit.

Habang naghihintay ako, napansin ko na may isang babae ding naghihintay gaya ko sa katabing fitting room. Dahil sa nagku-kwentuhan sila, nalaman kong magkaibigan sila ng nagsusukat sa loob ng fitting room.

Hindi nagtagal, lumabas na ang ang kaibigan niya sa fitting room.

"Girl, maganda ba? Bagay ba?" tanong ng babae habang nakatingin sa salamin.

"Ay pangit siya for you, mukha kang bakla sa suot mo!" patawang sabi ng kaibigan.

Dahil bored ako, sumali ako sa usapan.

"Excuse me?" pasintabi ko.

Lumingon ang 2 babae at tumahimik.

"Miss, bakla ako pero hindi ko kamukha ang kaibigan mo. Bakit hindi mo diretsuhin yang kaibigan mo na pangit siya at kahit bilhin niya ang buong Kamiseta ay hindi magbabago ang katotohanang hindi siya maganda. Hindi siya mukhang bakla... Pangit siya at hindi pareho yun!"

Hindi na nakapagsalita ang 2 babae, siguro nag auto-off ang mga bibig dahil sa gulat. Biglang bumukas ang pintuan ng fillting room ni Valerie sabay hatak sa akin.

Kung ano kabilis kaming lumabas ni Valerie ng Kamiseta ay ganun din ka bilis ang bibig nito sa pagsasalita.

"Ikaw talaga, hindi ka dapat iniiwan e."

"Bakit naman"

"Nang-aaway ka!"

"Kasi naman, dalihin ba ako sa Kamiseta, ano naman mapapala ko dun?"

"Hay naku... tara na sa People are People"

"Goodjob!"



Photo Source here.

~ Gleeks are back

|
Para i-welcome ang pagbabalik ng Glee, eto ang para sa inyo;

Sue Sylvester peroforms VOGUE by Madonna kasama ang mga Gleeks. Enjoy!

~ twitter killed the blogosphere

|

Habang nag-uusap kami ni Darc sa McDonalds Shaw kagabi, naisip namin ang saya na dulot ng twitter.

Naging isa na siyang micro-blogging site. Mula sa mga taong sinusundan mo ang twit araw-araw, para ka na ring nakatutok sa daily activities niya araw-araw. Para ka na ring si kuya sa Big Brother house.

Si ganito naging ganito ni kwan, na naging ex ni kwan, tapos dine-date ni ano.

Napansin din namin, onti na lang ang masigasig na nag uupdate ng blog, dahil andun sa twitter nakikipa-palitan ng kuro-kuro, kabastusan man o may sense.


Sabi ng karamihan, ang twitter ang pumatay sa negosyo ng fanaTXT at Ktext, kung dati nagbabayad ang mga fans para maka receive ng latest update ng mga artista, sa twitter, i-click mo lang ang 'follow'. Hindi mo lang malalamn ang latest sa kanila, pwede mo pa silang awayin kung tatanga-tanga.

I once had an experience, I'm following Ruffa G. tapos one morning, she's twitting about JLC found drunk and sleeping sa isang sulok ng Fiama. She was flooding the whole time, ranting about having another kid to take care of aside from her two daughters.

I replied to her twit saying na sana di ba, bago mag rant at mag flood, aminin muna kung anong meron sila. The next day, nag DM siya sakin, a very sarcastic 'thank you for enjoying the show' sabay block me sa twitter niya. Wahahaha!

Another incident was with Bianca King, she was twitting over and over tungkol sa nangyaring pagpapalayas sa kanya sa tent na tinutuluyan ni Krista Ranillo. Sobrang paawa ang twit, kesyo inaapi daw siya at ayaw niya daw magsalita na sa isyu. I twit her back saying na kung ayaw niyang pag-usapan ang issue, bat siya twit ng twit, at tigilan niya ang pag-papaawa effect kasi nagmumukhang gimik ang issue. Ayun, as usual naka-block na naman ako. Hahaha!

Pero wala ng mas makulay pa sa kwento ng mga blogger, you get to know their true personality outside of their blog. More than the stories they post. Minsan nga hindi tugma ang personalidad sa mga kwentong bino-blog. Napap-isip tuloy ako, parang karamihan sa post hindi totoo. Wahahaha!

On the positive side, twitter is a bit intimate, a little bit personal. You get reactions right away. You get suggestions and answers in no time. Not to mention, may mga pagka-kaibigang nabuo.

Sa sobrang dami ng bading sa twitter. Music na lang kulang, isa na siyang online Malate.



Photo Source here.

~ folded and hung (and all that jazz!)

|

Aminin niyo, hindi na masama ang mga itsura ng mga lalaki na nagtatrabaho sa F&H. Ayon nga sa kasabihan:

"Huwag kang choosy, pag hindi ka naman yummy!"

Since hindi naman ako yummy, hindi na din ako magiging choosy. Laman-tiyan na din daw kung ituring ng mga friends ko ang mga taga F&H.

Nung nakaraang araaw nasa isang mall kami ng mga kaibigan ko at naisipang magpa-check attendance sa F&H. Pumipili ang friend ng mga damit. Medyo may katabaan si friend. (Kailangan i-mention, kasi essential sa kuwento)

"Hey, lika nga dito sa Dressing Room" sabi ni friend.

"Artista ka? Anong dressing room? Fitting Room."

"Ganun din yun, hindi kasya sa akin to... pakuha ka nga ng next size"

Pagtingin ko sa shirt, size Zero.

"Wow, nag-abala ka pa talaga sa pagsukat ng shirt na 'to. Utang na loob naman, unang tingin pa lang sa damit, alam mo nang hindi talaga kasya sa'yo to. Kulang na lang mag-susumigaw 'tong shirt ng 'You are not small!' Ambisyosa!"

Hindi na sumagot si friend sa loob ng dressing room.. err fitting room. May lumapit na attendant. Chinito, maganda ang mga braso, pwede na.

"Sir, ano problema?"

"Ano daw size mo... ay next size pala nito" sabay abot ng shirt.

Smile lang ang ginanti ni Kuya. Matipid pero puno ng buhay.

"Pa-cute?" isip ko.

After magsukat ni friend ng shirt at nagbayad sa counter. Tinanong ko ulit si kuyang attendant tungkol sa price ng isang necklace.

"How much 'to?" pa conio kong tanong.

"600 po sir!" sagot niya

"Hindi, yung presyo lang ng necklace ang tinatanong ko hindi ka kasama!" tugon ko sa kanya.

"Si sir talaga mapag-biro." sabay kurot sa nipple ko.

"Kuya, close ba tayo?" habang paalis siya para i-assist ang iba pang customer.

Pagkatapos namin magbayad. Palabas na kami ng store ng biglang tumunog yung censor-censoran nila sa may door.

"Bat ako tumutunog, e hindi naman ako for sale?"

"Baka binenta ka na ng nanay mo!" hirit ng friend ko.

"Sir, paki-check lang po ng bag?" sabi ng lady guard.

"Try mo mag-pa check muna kaya ng mata... May nakikita ka bang may dala akong bag?"

"Baka yung mga pinamili ko ang tumutunog" sabi ni friend.

Nag simula ng i-check ng guard ang mga nasa loob ng paper bag na dala ni friend. After 48 years at 1 leap year, na realize nila na hindi pala nakuha ni Kuya attendant ang tag sa shirt na binili ni friend. Nag-apologize naman si kuya, pero naisip ko hindi yun sapat sa Stress Drilon na dinulot ng buong store sa amin.

"Kuya, hindi namin matatanggap ang sorry mo. Eto ang resibo, isulat mo ang number mo para sa friend ko!" utos ko kay kuya.

Walang nagawa si kawawang kuya kundi kumuha ng ballpen sa counter. Lumabas kami ng store, hindi na tumunog ang censor. Mas maingay na this time ang tawanan namin ni friend.

"Alam mo, kung ako ang may ari ng F&H, iba-ban kita. Ikaw tong walang binili, ikaw pa 'ton demanding."

"Magpapa-salamat ka din sa akin balang araw!" sabay tawa.

--------------------

Kahapon lang, nag text si friend.

"Remember mo si Kuya F&H?'

"Bakit? nagka-mali na naman?"

"Walang pagkakamaling naganap. May palayok lang na nabasag!"

"OMG! Bottom si Kuya? Dahil diyan libre mo ko ng kape!" sabi ko.

"Ilang litro ba gusto mo?" tugon ni friend.



Photo Source here.

~ Frenemies

|

Ironic nga naman ang buhay. Kung sino pa ang mga taong nag susumigaw na gusto ng seryosong relasyon, sila pa 'tong walang respeto sa relasyon ng iba.

May 2 akong kaibigan, pero mamaya baka i-declare ko na ding hindi. Gusto ko sila tawaging 'Frenemies' --- Friends and Enemies at the same time.

Frenemy Number 1: Close kami pero hindi ganun ka lalim ang pinagsamahan. Naisip ko nga naging visible lang kami sa isa't isa pag sa gimikan at lakaran. Hindi sa mga seryosong usapan tungkol sa buhay. Hindi kami pang Kabuhayang Swak-na-swak. Nawalan kami ng communication after niyang lumipat ng company. Tapos nitong mga nakaraang buwan lang, he started communicating, but surprisingly, hindi sa akin. Kay siopao.

For over a month now, he would randomly send text messages to siopao asking kung pwede siya pumunta sa bahay everytime na mag-isa lang si siopao at home. Minsan he would send flirt messages and eventually blurted out that he likes siopao. He would always remind siopao thru text not to mention anything about it sa akin. Ang hindi niya alam, ako din minsan ang nag-rereply sa mga kababawan niyang text.

Minsan naisip ko na ding i-confront siya, pero naisip ko, what for? Magiging utang na loob pa niya sa akin na ipinaalala ko sa kanya na nagmumukha na siyang 'cheap.' Matanda na siya, alam niya na sana ang mga ginagawa niya. Matapang akong tao, pero pinipili ko ang laban na gusto ko. Yung laban na patas, hindi yung sa umpisa pa lang alam kong panalo na ako. Sayang lang yan sa kuryente.

Frenemy Number 2: Naging kaibigan ko siya for more than a year. Super close kami na he would hang out sa apartment namin dati ni siopao. Minsan pinagluluto ko siya sa apartment niya pag nalulungkot siya, to a point na dinala namin siya sa Bacolod for a vacation. Pero surprisingly, dahil sa lakas ng insecurities niya sa katawan, hindi niya na ako pinansin after kami pumunta ng Bacolod. Dati pa he was so vocal that he likes siopao, na napatunayan niya naman nung minsan ay nag-away kami ni siopao, at bilang kaibigan tinext niya si siopao, na pwede daw siyang tumulong to look for a place if ever siopao would want to break up with me and leave our house. Ang sweet niya di ba? Bongga talaga siyang kaibigan, PLAN B na agad ang inisip. How thoughtful, How Goldilocks!

Eto na, recently lang, since siguro nabalitaan niyang pupunta akong Saudi. Sa tinagal-tagal ng panahong hindi siya nagparamdam, bigla na lang ang message kay siopao. Take note kay siopao nag message at hindi sa akin. Nagpapahanap ng apartment kasi may plano daw siyang lumipat. Wow tsong! Ang luma ng diskarte mo, kasi alam mong aalis ako at maiiwan si siopao mag-isa sa apartment. Kung makapag send ka naman ng fillers... sana dineretso mo na lang si siopao, na gusto mong ikaw ang pumalit sa akin sa apartment. Napaka 80's ng style, hindi nakakatuwa! Hindi makapag-hintay, sana pina-alis mo muna ako. G*go!

Sa 7 years naming magkasama ni siopao, ang mga ganitong bagay ay isa sa mga pinagkukunan namin ng saya. Talo ang mga comedy sitcom sa T.V. sa dulot nitong kakaibang 'laugh trip'. Pero what I am sad about is the fact that these people is thinking that the relationship that Siopao and I share are too shallow that they can penetrate it.

HINDI KAMI GAYA NG IBANG RELASYON.
At hindi ko kayang i-explain kong ano man ang meron kami kasi hindi niyo din maiintindihan.

Ang mas masakit pa ay ang katotohonang MINSAN SILA'Y NAGING KAIBIGAN at MINSAN SILA'Y NANGARAP DIN MAGKAROON NG MATINONG RELASYON.

Asa pa kayo!


Photo Source here.

~ paano na si siopao?

|

Sa napipinto kong pag-alis, lahat ng friends, kamag-anak, tambay at madlang people, ang tanging tanong ay:

"Paano na si Siopao?"

Nakakatuwa din namang isipin na concern silang lahat sa magiging kalagayan ni siopao dito, pero sana di ba concern din sila sa akin, kasi ako ang pupunta ng Jeddah at hindi si siopao. (kulang ako sa atensiyon?)

Hindi magiging madali kay siopao, pero alam kong magiging okay siya kasi andito siya sa Pilipinas. Andito ang mga kaibigan, kamag-anak, may alak, may malate at hindi bawal gumimik kasama ang mga babae.

Kamusta naman ako di ba?

Bawal daw tingnan ang mga babae pag nasa kalsada. Naisip ko din naman, hindi magiging problema sa akin yun, kasi kahit dito sa Pilipinas hindi naman talaga ako tumitingin sa babae. Hehehe!

Bawal daw mag-suot ng damit na hindi mo kayang ipaliwanang ang print. Baka daw iisipin nila na nagpapalaganap ka ng satanismo. Eh naku, bumili ako ng puro plain na shirt. Iba't ibang kulay. Baka hindi satanismo ang ma-ipalagananp ko, kundi suporta sa Care Bears at Rainbow Bright.

Magpa-tubo ng bigote para hindi ma rape. Mas mataas daw ang rate ng mga lalaking nare-rape kesa sa mga babae. Sa policy na to, wala akong marereklamo. Joke!

Bawal kumain ng karne. Pero parang kulang ang policy na 'to, dapat "Bawal kumain ng Karne na nauubos... Ang mga hindi nauubos, okay lang kainin!" Hehehe!

Konti pa lang yan sa ga tissue ka habang kailangna sundin pag nasa Jeddah na.

Sige tanungin niyo uli ako, sa pag-alis ko...

"Paano na nga ba si siopao?"

Feeling ko sa mga bawal dun sa pupuntahan ko, for sure magiging okay siya na andito siya.


Photo Source here.

~ paano na kaya?

|

Easter Sunday kahapon pero parang hindi buhay ang dugo ko after nabalitaan kong si Siopao ay sinugod sa MakatiMed kahapon.

Masakit daw ang tiyan.
Sabi ng doktor, 'Gastritis' daw.
Pagkatapos turukan ng gamot, pina-uwi na din siya.
Salamat naman.

Ngayon ko nararamdaman ang hirap kung may mga sitwasyong ganito. Wala akong ibang magawa, kundi maki-balita.

Naiinis ako na sa ganitong mga sitwasyon, na wala ako sa tabi niya. Na hindi ko nakikita kung ano ang tunay na kalagayan niya.

Sa napipinto kong pag-alis, ang mga ganitong sitwasyon ang hindi ko napag-handaan.

Paano kung may mangyari sa kanya habang ako ay nasa malayo? Sino ang magbabantay sa kanya? Sino ang mag-aalaga?

Sana walking distance lang ang Jeddah at ang Manila para mapuntahan ko siya agad.

Napapa-isip ako.

Tutuloy ba ako?!



Photo Source here.

PAALALA

Ang nilalaman ng blog na ito ay pawang opinion lamang ng may akda. lahat ng imahe, larawan o litratong nandito ay halaw sa iba't ibang 'website'. Kung may mga larawan kayo at nais niyong ipatanggal, marapat lamang ipagbigay alam sa may akda. Maraming salamat.